Martes, Nobyembre 4, 2014

Ang pader bow.


    Matibay na pundasyon. Simbolo ng isang samahan na binubuo ng matagal na pagsasama, puhunan ang hirap at saya, dinaanan ng maraming pagsubok, pinagtibay ng tiwala, indi agad nabubuwal, indi magigiba. Pader.

    Indi nabubuo ang pader ng isang tao. Maaaring dalawa, lima, sampu – - pero iisa ang hangarin. Iisa ang direksyon. At walang anuman o sinuman ang pwedeng makasira nito.

    Pero gaya ng ibang bagay at pangyayari, nagiging biktima rin ito. Rumurupok. Sinusubukan ng kalikasan. Sinusubok ang tatag. Tinitingnan kung hanggang saan ang makakaya. Inaalam kung sapat na ba ang tagal, tibay at pinagdaanan. Kinukwestyon ng sitwasyon. Nilalamatan. Inuuga.

    Hanggang kailan kaya ito makakatayo sa pagitan ng mga pagsubok? Kaya mo bang protektahan ito sa abot ng makakaya o tuluyan mo nang hahayaan at papanoorin na unti-unti itong mabuwal?

    Walang sinuman ang nakakaalam kung hanggang kailan. Pero kung iaasa mo ito sa paniniwala lang at pag-asa na indi ito mabubuwal – - kulang pa rin.

    Indi sapat na maniwala at umasa.

    Indi rin tama na iasa mo ito sa ibang kasama na siyang sumusuporta dito. Dahil indi mo alam kung hanggang kailan niya kayang kayanin ang bigat na sana’y lahat kayo ang papasan.

    Indi titigil ang mundo sa pag-ikot kahit na piliin mo pang magpahinga na muna sa pag-alalay dito at sumabay na lang matapos na maisipan mo.

    Lahat ng bagay na nangyayari sa buhay natin, may koneksyon sa bukas at sa isa pang bukas. Indi ito dumadating dahil sa sariling intensyon. May rason, may eksplanasyon. Indi ito coincidence o aksidente. Lahat nakasulat. Lahat nakatakdang mangyari. Indi man ngayon, indi natin alam.

    Lahat ng magandang bagay, kahit gaano pa natin gustuhin na indi mawala at itago pa sa pinakasagradong lugar – - kung mawawala ito, mawawala talaga. Indi dahil gustu lang Niya na alisin ito sa buhay natin, kundi dahil merong mas magandang bagay na naghihintay sa atin.

    Kung gagawin nating literal na aasang indi mabubuwal ang pader na binuo natin at inalagaan ng matagal na panahon, sapat na ba ang maniwala dito?

    Sa kabila ng napakahabang panahon at kabi-kabilang pagsubok, ngayon mo pa ba kukwestiyunin ang sarili?

    Ang pagpapatunay na indi ito basta-basta masisira. Di dahil ayaw mo o natatakot ka. Kundi dahil tinuring mo na itong mahalagang parte ng buhay o maaaring buhay mo na kasamang mamamatay sa oras na mabuwal ito.

    Ang mapatunayan na walang sinuman ang pwedeng maging dahilan ng pagbagsak nito. Dahil ito ang paninindigan mo. Di kailanman kayang tumbasan ng kahit ano’ng halaga sa mundo.

    Dahil ito ang buhay mo.



    Walang komento:

    Mag-post ng isang Komento