Ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang basta pagmamahal o ningas ng kalooban. Wala ito sa kapusukan ng kalamnan o init ng katawan. Ang tunay na pag-ibig, lagi nitong ginagawa ang pinakamabuti para sa kapakanan ng iba lalo na sa taong mahal niya.
Ginagawa ang tama para sa taong mahal niya, kahit ito’y mali na sa paningin ng iba. Ginagawa ang lahat nang walang hinihintay na kapalit. Kahit kapalit pa ay buhay niya ito’y handa nyang ibuwis para sa taong mahal niya.
Para sa taong tunay na nagmamahal o umiibig nagiging bulag sila; bulag dahil may mga bagay na hindi nila nakikita, pero ito’y napapansin ng iba.
Ang taong tunay kung magmahal nagiging bobo rin sila. Kasi ang “Mali” ay natatakpan ng “Tama”, ang “Hindi” ay napapalitan ng “oo”.
Sinasabi ng iba na gamitin ang utak dahil mas mataas ito kaysa iyong puso, pero sa taong tinamaan ng pana ni kupido, lalo na yung pana niyang may kasamang speed booster pa.
Naku! Nalintikan na, nakalimutan nang may brain pala!
Kaya naitodo si heart nang bonggang-bonga at nakalimutan nang may preno pala. Kaya ang nangyari, nang sumemplang, malalim na sugat ang tinamo niya.
Sa ganitong sitwasyon naitatanong natin sa ating sarili… Bakit pa tayo magmamahal kung masasaktan lang din naman?
Simpleng tanong pero napakahirap sagutin kapag paiiralin natin ‘yung sakit na humihimlay lang sa ating puso o damdamin. Hindi natin mauunawaan agad o maiintindihan ang ibig sabihin nito.
Hindi natin makikita ang magandang rason kung bakit minsan ay nangyayari ito sa buhay ng tao.
Sa mundong ating ginagalawan na bilyon-bilyon ang taong naninirahan, hind mo mahahagilap agad ‘yung taong para sa iyo talaga.
Bago mo siya mahanap o matagpuan, kailanganmong dumaan sa mga makikipot na daan, sa matitinik na lansangan, bago mo siya matagpuan.
“Dadaan muna tayo sa sakit bago natin matagpuan ang kaligayahan.”
Masuwerte ‘yung iba, kasi singbilis pa ng kidlat ay natagpuan agad nila ‘yung para sa kanila kasi magkalapit lang sila ng ginagalawan o hindi kaya’y magkapitbahay lang.
Eh paano kung ‘yung sa iyo eh nasa ibayong dagat pa pala?
S’yempre hindi mo agad ‘yun makikita at malalaman na ‘yung para sa iyo talaga ay nasa malayo pala.
O ‘di naman kaya ang turing ng iba ay baka hindi pa ipinanganak ‘yung para sa kanila. Huwag naman po sana, baka maging lolo o lola ka na!! nyahahaha
So bakit ba tayo nasasaktan?
Nasasaktan tayo kasi tao lang tayo, may puso na marunong magmahal at marunong masaktan. Hindi po masama ang magmahal nang sobra kapag ito’y naiukol natin sa tamang tao o nasapol muna ‘yung taong para sa iyo na talaga.
Kapag nagmahal ka, kailangan na kontrolado mo ang iyung sarili, ‘yun bang gumagana rin ang utak, hindi ‘yung puso lang.
“Hindi ka puwedeng pumunta sa giyera na baril lang dala, dapat may bitbit ding bala”. Kapag wala nang bala, atras ka muna.


Parang sa love lang, malalaman mo naman ‘yun kung kailan ka susugod o aatras eh!
Pero kung ramdam mo na ‘yung signal na need mo nang bumitaw, bumitaw ka na habang maaga pa. Huwag monghintayin na siya ‘yung unang bumitaw kasi niloloko ka na niya.
Kung nararamdaman mo na ‘yung mga changes sa kanya na dati ay hindi n’ya gawain at kung hindi mo naman siya kayang baguhin, i-give up mo na ang relasyon n’yo habang maaga. Para sa ganoon nasaktan ka man ay hindi naman sobra-sobra.
Pero kung ikaw naman ‘yung taong sobra-sobrang nasaktan, sagad hanggang buto ang sakit at galit sa taong minahal mo. Alam ko at alam ng iba na hindi madali ang makalimot; lalo na ang mga salitang “move on” ay napakahirap gawin para sa taong niloko at nasaktan nang sobra.
Pero paano ba makapag-move on?
Sa ganitong pagkakataon, IKAW lang ang puwedeng makagawa nito, palibutan ka man ng napakaraming barkada para aluin ka. Kahit mag-ala Dora the explorer ka pa. Kung ang isip at puso mo ay tumatanggi na kalimutan siya, mas mahihirapan kang makapag-move on.
Kung ikaw ‘yung tipo ng taong nasaktan at pusong sugatan ngunit ayaw pang bumitaw o kumawala sa sakit na dinulot niya, hindi ka agad makapagmu-move on. Hindi ka agad makabibitaw kung pilit ka pa ring kumakapit. Niloko ka na niya, niloloko mo pa ang sarili mo.
Huwag mo nang tandaan ang mga bagay na dapat nang kalimutan, ‘yung mga bagay na may wakas na. Kasi kung pilit mo itong isinaksak sa isipan mo, mas lalo kang manghihina at mawawalan ka ng pag-asa at diyan ka na susuko, aayaw ka na kasi hindi mo raw kaya.
Hindi ka makakawala sa sakit na dulot niya kung binabalik-balikan mo naman ang kanyang alaala at ang inyong nakaraan, hindi ka makabibitaw kung pati sa anino niya’y kumakapit ka pa rin.
Minsan, hindi masamang bumitaw sa iyong pagkakakapit kung alam mo naman na ang kababagsakan mo ay ang makawala ka sa sakit na dinulot niya sa puso mo.
“Bumitaw ka at pakawalan mo ang alaala niya para ang iyong sarili ay makawala na rin sa sakit na dinulot niya diyan sa puso mo”.
Hayaan mo na ang panahon na ang maghihilom sa sugat na nilikha niya, dahil kusa din itong magsasara na pawang peklat na lang ang matitira.
Ang peklat ay magiging simbolo para maging matatag ka, at magpapaalala sa iyo na minsan ka nang nadapa pero muling bumangon. Ito ang magga-guide sa iyo para hindi ka na muling madapa, hindi na ulit maloloko at ang puso’y maiwasan nang ito’y masaktang muli.
Bahagin a ‘yan ng buhay ng tao, ang magmahal at ang masaktan. Kung hindi tayo magmamahal, hindi natin malalaman ang kahalagahan nito sa tao.
Kung hindi tayo masasaktan hindi tayo matututo, at hindi tayo magiging matatag. Mainam na iyong nasaktan tayo habang maaga pa, para pagdating nung time o sa malaking dagok ng ating buhay eh alam na natin kung paano makontrol ang ating sarili kapag tayo’y nasaktan.
Nang sa ganoon ay maiwasan nating manghina at mawalan ng pag-asa at upang hindi na umabot sa punto na pati sariling buhay ay nais nang wakasan para lang makaiwas sa sakit na idinulot nito.
Ang panahon ay katuwang natin sa paghilom ng mga malalalim na sugat, ngunit kailangan din nating tulungan ang ating sarili.
Kaya nga may mga salitang “move on”… kasi posible ‘yan!